Bata, bata, paano ka tumanda?

by The Professional Cynic

Archived from Multiply account. Originally posted 08/29/09.

Sinag ng liwanag na tumama sa mata,
Palo ng kapalaran, kanya ng pinadama
Impit na ngitngit, di yata’t nagbigay
Nang ngiti sa mga labi ng inang nakagulapay.
— sanggol.

Subo-subo ang tsupong basang-basa ng laway,
Karag-karag ang laruang ginawa pa ni itay.
Malagkit na bagay, sa ilong kumakaway
Sa mukha’y sumambulat ng kilitiin ni nanay.
— musmos.

Sa labasa’y maririnig, walang humpay na karahan
Pitik sa teks, gulong ng holen ng mga bata sa daan.
Takbo dito, habol doon iwas sa treng nagdaraan
Malulutong na halakhak, sa buhay walang pakialam.
— bata.

Baon ang gitara, tugtugan sa eskwela,
Pagsapit ng gabi sa bintana ang harana.
Tambay sa daan kasama ang barkada,
Tawa lang ng tawa sa kabila ng problema.
— binata.

Problema sa buhay ngayo’y kaharap na,
Ang dating di alintana ngayo’y nagpakita.
Kung dati’y masaya at puno ng ligaya,
Ngayo’y kalbaryo pantawid sa pamilya.
— ama.

Mag-isang naglalakbay sa tren nakasakay,
Dinudungaw ang mga batang panay-panay ang kaway.
Masasakit na kasu-kasuan ni hindi mai-gampay,
Puting buhok sa bumbuna’y unti-unting tinatangay.
— matanda.

Hapong-hapong katawan, ni hindi na maagapan
Yurak ng plemang may dugo, gumuguhit sa lalamunan.
Kaawa-awang kalagayan ng bugbog na katawan,
Huling hininga’y binunot, namaalam sa katandaan.
— pagpanaw.

Advertisements