Saan aabot ang 55 pesos mo?

by The Professional Cynic

Image

After a lot of second thoughts and missed chances, I finally have a taste of this promising Famous Belgian Waffles which creating not just a buzz but a long queue of nicely dressed people who’s in dire to try everything new that goes around so they always have new things to brag to others as well.

Putcha, ang hirap mag-English! Hindi ako kampante, itutuloy ko na lang ‘to sa wikang Filipino. Nyeta!

Anyway, so ayun nga, finally nakaya ko nang sikmurain ang magbayad ng singkwenta pesos para sa kapiranggot na pagkaing hindi naman talaga nakakabusog, makasabay lang sa uso.

Bagong bukas kasi ang isang branch ng Famous Belgian Waffles sa tapat ng building namin. At dahil bago sa paningin, sa pang-amoy, sa panlasa, at sa lahat ng senses ng katawan ng mga taong nabubuhay na lamang sa polusyong nagsi-circulate sa lugar namin ay pumatok agad sila.

Blockbuster ang pila tuwing magagawi ako sa pwesto nila. Hindi magkamayaw ang mga taong ang gaganda ng damit at pulos spokening dollar na hindi ko maunawaan kung bakit nagpapakamatay sa pagpila at pikikipag-agawan sa pagkaing take-out at sa papel mo lang kakainin e mukha namang may pera. Kung tutuusin, mabibili naman nila ito sa mga dine-in restaurants, mas marami, mas masarap, mas presentable at iwas ngalay sa pagpila. Naisip ko rin na marahil ay naubos na ang kanilang pera sa pagbili ng damit na suot at sa iphone na hawak na patuloy pang hinuhulugan kaya kailangan nilang magtipid sa pagkain.

Maglakad man ako ng nakapikit, kayang-kaya kong tuntunin ang building namin; kailangan ko lang sundan ang matamis na amoy ng nilulutong waffle at ang ingay ng mga taong hindi magkamayaw sa pagputak habang naghihintay na maluto ang kanilang orders, sigurado hindi ako maliligaw.

Actually, matagal ko na ‘tong nakikita sa mga malls, sa Sta. Lucia, SM Marikina, at kung saan-saan pa, hindi nga lang ako bumibili — mukha kasi syang hindi nakakabusog at mukha din syang hindi masarap.

Dahil na rin sa hindi maubos-ubos na bilang ng tao tuwing mapapadaan ako sa tindahan nila sa tapat ng building namin ay hindi ko na sinubukan pang makipagbalyahan para matikman ang pinagnanasaan ng lahat na sikat daw na Belgian waffle, sa SM Marikina na lang ako bumili. Maraming naka-impluwensya noong araw na ‘yon para mapabili ako ng Belgian waffle; una ay nang magkaayaan sa opisina na sabay-sabay na bumaba para tikman ang bagong hit na pagkain, na hindi rin naman natuloy, naglaway lang ako; pangalawa ay Biyernes at naging “easy breezy” (as I call it) ang second week ng April para sa ‘kin kaya gusto kong bigyan ng reward ang aking sarili kahit papaano; pangatlo ay dahil nga nacurious na din ako kung bakit nga ba nababaliw ang mga tao sa new-found fad na ito. At kung totoo at literal ang aphorism na “Curiosity kills the cat” at nagkataong pusa ako, malamang sa malamang, double-dead ako.

“HINDI MASARAP!”

Ito ang isinisigaw ng utak ko habang kinakain ko ang waffle na nasa papel pababa ng escalator. Gusto kong lamukusin ang waffle at isaboy sa mukha ng mga taong paakyat sa kabilang panig. Gusto kong durugin ang bawat piraso ng waffle kagaya ng pagkadurog ng puso ko ng mga panahong iyon. Hindi ko matanggap na nasayang ang 55 pesos ko . Pero dahil idinidikta ng moral code, mas pinili kong maging mukhang kalmado nang mga oras na iyon habang nagla-La..La..La..La.. at the back of my head.

Mataas ang expectations ko sa Famous Belgian Waffles; una ay dahil pinagkakaguluhan at pinipilahan ng mga tao; pangalawa ay dahil nakaka-brainwash ang matamis na scent na palagi kong naamoy tuwing nadadaan ako sa kanila; pangatlo ay dahil mahal ang presyo kaya nage-expect ako ng “something” sa lasa. Binili ko pa naman ‘yung pinaka-mahal, akala ko kasi kapag mas mahal, mas masarap… hindi pala. 30 pesos ang plain, kung bland at walang kwenta ang buhay mo, idagdag pa ang fact na mahirap ka, ito ang bagay sa’yo; 35 pesos naman kung gusto mo ng filling na easily available sa mahirap na bansa kagaya ng chocolate, peanut butter, at cheddar cheese; 45 pesos naman kung feeling mo ay medyo mayaman ka at gusto mo ng medyo sosyalin na filling like Strawberry, Blueberry, Creamcheese, at Hazelnut; at kung feeling mo ay mayaman ka talaga, pasikat, hambog at gustong magyabang, o sadyang adventurous sa pagkain,  Perfect Combination is really the perfect choice for you, it costs 45 pesos para sa mga combo na easily available sa paligid at 55 pesos para sa mga susyalin ang pangalan kapag pakikinggan. Sad to say ay naka-categorized ako sa 55 pesos, kaya yung Blueberry Creamcheese ang inorder ko.

Pagdating sa pagkain, ayoko ng normal, gusto ko yung hindi o bibihira ko lang matikman ang oorderin ko sa menu. Medyo natagalan pa nga ako kung yung Blueberry filling lang na 45 pesos ang bibilhin ko o yung may ka-match na creamcheese, sabi ko 10 pesos lang naman difference, mas tunog pangmayaman pa yung order mo. Make sure lang na pag sasabihin mo na sa teller yung order, magpo-pause ka muna, sabay titingin sa kaliwa, kanan, at gitna yung parang sa mga magde-declamation, saka mo buong pusong sabihin ang order mo, “One Blueberry Creamcheese” o di ‘ba, doon pa lang sulit na ang 55 pesos mo dahil napaniwala mo silang mayaman ka, dahil tunog susyal ang order mo. Kahit hindi mo alam kung ano ang lasa ng pinaghalong preserved berries at cheese, kailangan mong panindigan.

May ilang minuto din akong nag-intay ng order, ilang minutong umupo sa medyo cute nilang dining area habang pinapanuod ng sandamukal na mga matang nakatutok sa bawat customer ng Famous Belgian Waffles at napagtripan pa ng isang tropahang naghihintay din ng order. Number 13, “numero ni Judas” sa isip-isip ko, habang pinaiikot-ikot sa kamay ang customer number na iniabot sa akin nung teller kanina. Mas bagay ‘tong number na ‘to sa mga ulupong na katabi kong nagpa-powertrip habang naghihintay ng order, “mga anak ng dyablo”. Makalipas pa ang pagdaan ng ilang mga ibong masayang lumilipad sa papawirin na tanaw mula sa malaking glass window ng SM at kung anu-anong life realizations na na-formulate sa utak ay tinawag na din ang number 13. Excited deep inside, pero kalmado pa rin outside nang tumayo ako sa upuan at abutin ang order kay kuyang nakangisi, hindi mo alam kung masaya lang talaga ang disposisyon nya sa buhay o masaya sya dahil isang puso na naman ang magiging miserable dahil sa nabenta n’yang Belgian waffle.

Maliit, manipis, at halos walang palaman. Sobrang layo nito sa iniimagine kong hitsura ng mahahawakan kong worth 55 pesos na waffle noong araw na iyon. At ang malalaking mga katagang nakatatak sa stall nila na “Hot & Fresh” ay pawang kasinungalingan lamang. Mas malamig pa sa yelo ang hawak kong waffle ngayon habang pababa ng escalator, hindi ko alam kung may magic ba yung waffle maker nila para maluto ‘to nang hindi umiinit. Kung freshness naman ang pag-uusapan, mas fresh pa si Madam Auring kung ikukumpara mo sa waffle na ito.

Bigo akong umuwi, durog ang puso at puno ng panghihinayang dahil sa nasayang na oras, pagod, pera, at higit lalo sa unmet expectations. Yung pinaka-mahal pa naman ang inorder ko, hindi naman pala masarap. Yung Perfect Combination nila ay parang si Kim Chiu at si Gerald, picture perfect sa camera, pero tragedy sa totoong buhay.

Naisip ko, ano kayang binili ko na lang sana sa 55 pesos ko noong araw na ‘yon?

Kung gutom ako noon at gusto kong mabusog, ibinili ko na lang sana ng bigas yung 55 pesos, isang pamilya pa yung makakakain.

Kung gusto ko ng snack, umakyat na lang sana ako ng isa pang floor at bumili ng Turk’s Shawarma, worth 50 pesos, may 5 pa sana ako ngayon.

Kung nagke-crave lang din naman ako sa matamis, sana hindi na lang ako umakyat sa 2nd floors, sa halip, sumakay na lang ako ng escalator pababa at bumili ng 2 Dunkin Donuts worth 40 pesos, may 15 pa akong pang-munchkins.

O di kaya, sana itinabi ko na lang yung 55 pesos, pamasahe ko na rin ‘yun papasok.

Pero wala, lahat naman tayo nagkakamali sa buhay… palaging may first time. Minsan kailangan nating sumubok para malaman kung ano ba ang kahihinatnan ng bawat desisyon natin sa buhay. May mga bagay tayong pinapalampas na hindi na natin pwedeng maibalik, kagaya na lang ng 55 pesos ko. Sabi nga nila, palaging nasa huli ang pagsisisi… tama nga naman, mahirap naman kung sa umpisa ka magsisisi, mauubos lang yung oras mo hindi mo pa rin naiisip kung anong pinagsisisihan mo. Pero sa kaso ko, alam na alam ko kung ano ang pinagsisisihan ko, pinagsisisihan kong bumili ako ng Famous Belgian Waffles na worth 55 pesos e mas masarap pa yung pancake namin nung elementary na tigtu-2 pesos.

Advertisements