Bakit titingin ka pa lang sa crush mo, nakatingin na s’ya sa’yo?

by The Professional Cynic

Busy ka.
Abala ang iyong mapanghusgang mata habang sinisipat ang monitor na kaharap.
Busy ka. Masiglang umiindayog sa bawat letra ng tiklada ang mapilantik mong mga daliri – mabilis at tuloy-tuloy – tila hinahabol na ‘di mawari.
Busy ka. Ngunit sa kabila ng iyong abala at preoccupied na isipan ay may kung anong pwersa ang pumihit sa iyong ulo upang mapalingon sa dako paroon. Nakita mo siya; ang taong ilang linggo mo nang pinag-iinteresan, ang taong iyong kinahuhumalingan.

May kasama siya, naglalakad at magkausap, pero wala dito ang paningin niya. Abala nitong sinisipat ang bawat pasilyong dinadaanan – malikot at hindi mapakali, mabilis at hindi tiyak kung saan titingin – hanggang sa mahanap na nga niya ang lugar na gustong lapagan, nagulat ka nang malamang ito’y walang iba kundi ang iyo ring mga mata.

Hindi maitatago ang pagkagitla sa iyong mukha, hindi ka handa sa iyong nakita, tila batubalani ang mapupungay at mapang-akit niyang mga mata, dili nga’t tila huminto ang oras nang magsalubong ang inyong mga paningin, nananabik, naghihintay, at nangungulila.

Tatlong segundo ang nakalipas bago bumalik ang iyong ulirat, dali-daling  pinalis ang mga matang nakapako pa rin sa kanya, natitigilang bumalik sa ginagawa. Busy ka, alam mong busy ka.

Naguguluhan ka.
Naguguluhan ka kung bakit ka napatingin.
Naguguluhan ka kung bakit ka napatigil sa iyong ginagawa.
Naguguluhan ka kung bakit sa sandaling iyon ay sa mga mata din niya bumagsak ang iyong mga paningin.
Pero masaya ka. Hindi mo maitatanggi dahil nakangiti ka, ‘yung ngiting pilit na kumakawala kahit kinakagat mo na ang iyong labi, ‘yung ngiting nag-uudyok sa iyo na yumuko na lamang dahil hindi mo mapigilan at ayaw mong makita ng iba dahil hindi mo alam ang isasagot sa kanila kapag nagtanong sila kung bakit.

Ilang kagat sa labi pa ang ginawa bago huminto ang ngiting patagong namumutawi; gusto mong sumigaw – tumakbo sa mga pasilyong puno ng mga pusong batong abala sa pagtipa sa mga tiklada. Mga damdaming pinalamig ng sagad sa butong ihip ng aircon sa inyong opisina. Gusto mong manakit – gusto mong saktan ang katabi mong pilit kang kinakausap… hindi ba niya nakikitang abala ang iyong mga labi sa pagngiti? Hindi ba niya maintindihang walang pag-sidlan ang nag-uumapaw na kaligayahang nararamdanan mo ngayon mula sa kaibuturan? Hindi ba niya naiintindihang kahit anong gawin niya ay hindi niya makukuha ang iyong atensyon dahil sa mga oras na ito ay huminto na sa pagtakbo ang utak mo at patuloy kang nilalango nang hindi maipaliwanag na pakiramdam na nagmumula sa iyong puso?

Sa halip na saksakin ng panulat na hawak ay pinili mong lingunin ang katabing kanina ka pa kinakausap. Mabuti na lang at mabilis na nanumbalik ang kamalayang tila snatcher na kumaripas nang magtama ang paningin ninyo kanina ng iyong sinisinta.

Kinakausap ka niya, meron siyang sinasabi – pero hindi mo maunawaan dahil tila paputol-putol ang salitang binibitiwan niya, “Nakikinig ka ba?” ang narinig mong sabi niya. Mabilis mong iniyuko ang iyong ulo dahil muli nanamang namutawi ang ngiti sa iyong labi na kanina pa pilit na iwinawaksi. Blangko ka sa mga sandaling ito, hindi mo alam ang mga nangyayari, hindi mo alam kung ano ang uunahin mo… ang mga tao ba sa paligid o ang kakaibang pakiramdam na unti-unting lumulukob sa iyong pagkatao?
Masaya ka, hindi maikakaila dahil nakangiti ka, pero alam mo sa sarili mong naguguluhan ka.

Muli mong sinubukang pulutin ang nagkapira-piraso mong ulirat na sumambulat sa loob ng opisina kaninang magtama ang inyong mga paningin. Muli mong sinubukang kagatin ang pang-ibabang labi upang tumigil ito sa pagngiti. Unti-unti mong iginupo ang nagpupumigalas na emosyon sa iyong kalooban upang bumalik sa trabahong ginagawa. Mabagal sa simula hanggang sa unti-unting bumilis ang pagkilos ng iyong mga daliri sa tikladang nasa harap. Pasimpleng tumingin sa katabi upang siguraduhing naiintindihan mo na ang kanyang mga sinasabi.

Tagumpay! Tuluyan mong naigupo ang emosyong lumulukob sa iyong pagkatao, ang halimaw na kanina’y ginawa kang baliw nang ilang segundo. Maayos ka na, abala na muli ang iyong mapanghusgang mata sa pagkilatis sa mga letrang lumilitaw sa monitor na kaharap. Masigla na muling umiindayog ang malalandi mong mga daliri sa tikladang itim na nakapatong sa kahoy na mesa. Muli nang sumabay ang iyong kamalayan sa mala-ritmong tunog na nagmumula sa mga letrang pinipindot sa tiklada.  Masaya na muling nakikipagsayaw ang iyong mga daliri sa mabilis na indayog ng mga salita at ideya sa iyong isipan.

Busy ka.
Abala ang iyong mapanghusgang mata habang sinisipat ang monitor na kaharap.
Busy ka. Masiglang umiindayog sa bawat letra ng tiklada ang mapilantik mong mga daliri – mabilis at tuloy-tuloy – tila hinahabol na ‘di mawari.
Busy ka. Ngunit sa kabila ng iyong abala at preoccupied na isipan ay may kung ano na namang mala-demonyong pwersa ang pumihit sa iyong ulo upang mapalingon sa dako paroon. Nakita mo ulit siya; ang taong ilang linggo mo nang pinag-iinteresan, ang taong iyong kinahuhumalingan.

May kasama pa rin siya, naglalakad at magkausap, pero wala dito ang paningin niya. Ngunit hindi tulad kanina, hindi na siya nag-abala pang sipatin ang bawat pasilyo sa opisina, wala na ang malikot, mabilis, at hindi mapakali niyang paningin, bagkus, deretso itong nakatingin sa iyong mga mata – handa, tiyak at nagkakaunawaan.

Tatlong segundo ninyong hinayaang mangusap ang inyong mga mata, puno ng pag-asang nakapako sa isa’t-isa. Pinili mong huwag na munang bumalik sa ginagawa, dahil sa pagkakataong ito hinayaan mong manaig ang emosyong kanina pa lumulukob sa iyong pagkatao. Buong puso kang nagpaubaya sa nakalalangong pakiramdam na nagmumula sa iyong kaibuturan. Kahit busy ka, kahit apuhap ang iyong kamalayan sa paghanap ng kasagutan dahil patuloy ka pa ring naguguluhan, sa mga sandaling iyon ay may isang bagay na sigurado ka, iyon ay ang iyong nararamdaman… at iyon ay kaligayahan.

Advertisements