Simpleng Pangalan, Kinagigiliwan

Mwwds

Archived from Multiply account. Originally posted 12/25/08.

Habang naghihintay sa aking kasama na umo-order sa Jollibee kahapon pagtapos naming mamili sa super market ay pinili ko na lang na tumambay sa labas dahil hassle kung ipapasok ko pa yung grocery cart sa loob. Saglit akong napatitig sa pangalang nakasulat sa itaas — Jollibee®. Dun ko na-realize na napakasimple lang pala ng business name nila. Effortless. Pero alam nyo bang pag naririnig ko ang mga katagang “Jo-lli-bee” nung Kinder pa ako eh tila pumapalakpak ang mga tenga ko. Iba yung pakiramdam dati pag papasok na kami sa Jollibee; ninanamnam ko ang bawat ihip ng aircon nila; nagpapakasawa sa mabangong amoy ng Chicken Joy;nNangangarap na kami sana ang may ari ng Jollibee para lagi kong makain ang mga gusto ko.

Masaya ang mga panahong sweldo ni Inay at ililibre ka nya sa Jollibee dahil nakakuha ka ng tatlong “Star” na nakatatak sa kamay mo. Ang mga panahong pagtapos nyong maglakad sa ilog ay aayain ka ni Itay na kumain sa Jollibee na tila nanghahamon. Naaalala ko ganito nya pa nga sabihin yon o, “Ano? Dyolibi? Dyolibi?” tapos kapag nauto ka na nya ay bigla nyang sasabihing wag na lang at ikaw naman ay nanggagalaiting pagsususuntukin ang likod nya dahil sa disappointment. Pero magugulat ka na lang dahil ang tricycle na sinasakyan nyo ay kasalukuyan nang binabagtas na ang daan papuntang bayan.

Pagpapauwi na kayo galing sa eskwela ay magpaparinig ka naman kay Tita ng “Ang bango! Amoy Chicken Joy!” pag nadaanan ng bus na sinasakyan nyo ang ilang branch ng Jollibee sa Maynila. Pero wag ka nang umasa na dadalhin ka nya sa Jollibee, kurot at nanlilisik na mga mata lang ang matatanggap mo pag nangulit ka sa kanya na mag Jollibee kayo.

Dati tila panaginip ang bawat sandali na kumakain kami sa Jollibee. Pakiramdam mo ikaw na ang pinaka mayamang tao sa mundo dahil sa sarap ng pagkain dito, isama pa ang maalagang pagsampal sayo ni Inay pag natapunan ng sauce ng spaghetti ang suot mong uniform. Biro lang. Mabait si Inay! Haha. Ang saya ng mga panahong nagkakatuwaan kayo nina Inay at Itay habang nag sasalo salo sa spaghetti, Chicken Joy, Coke, at French fries.

Ito ang pumuno sa kamusmusan ko noon…

Ngayon?

Heto, ako na lang mag-isa ang kumakain ng order ko. Anumang oras ko gustuhin ay makakakain ako sa Jollibee. Hindi na kailangang mangawit ang mga braso para matawag sa recitation at matatakan ng “Star” sa kamay. Hindi na kailangang magpaka-pagod maglakad sa ilog at habulin si Itay upang suntukin ang likod nito para pumayag na mag Jollibee kami. Hindi ko na malalasap ang linamnam ng kurot ni Tita pati ang nanlilisik nyang mga mata. Pero ano? Masaya ba ‘ko sa tuwing isusubo ko ang plastik na tinidor na puno ng Spaghetti? Natutuwa ba ko pag naririnig ko ang tunog ng malutong na Chicken Joy sa bawat kagat ko? Maligaya ba ako dahil wala ng kailangang magmando sa akin kung paano ko pupunasan ng tissue ang bibig ko kapag puno na ng sauce ng Spaghetti

Napagtanto ko na ngayon na hindi lahat ng naisin ko ang magpapaligaya sakin. Mas masaya pa rin ang pinaghirapan mo muna bago ka nakakain sa Jollibee. Hindi katulad ngayon na isang hingi mo lang ng pera ay makakakain ka na. Nakaka-miss ang mga nakaraan.

Dati lagi kong sinasabi na mas masarap tumanda para nasusunod lahat ng gusto ko. Ngayon, sasabihin ko sa aking sarili na mali ako. Mas masarap pala talagang maging bata.

Ano? Naiiyak kana? Ako din eh. Haha.

Sige, hanggang sa muli!